picture from turnbacktogod.com |
Mahal naming anak,
Mahal naming anak, sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan. Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakakabasag ako ng pinggan o nakakatapon ng sabaw sa hpag kainan, huwag mo sana akong kagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sinisigawan mo ako, Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng "binge" paki-ulit na lang ang sinabi mo pakisulat nalang. Pasensiya ka na anak, Matanda na talaga ako. Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tumayo, katulad ng pagalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lang lumakad. Pagpasensyahan mo sana ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo na lang ako. Huwag mo na sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo yung sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga't hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo. Pagpasensyihan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa.
picture from berrymii.wordpress.com |
Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang kawatan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinatiyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo. Pagpasensyahan mo sana ako ng madalas, ako'y masungit, dala na rin marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin. Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang. Inip na inip ako sa bahay, maghapong nagiisa, walang kausap. Alam kong busy ka sa pag-aaral, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kuwento ko. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kuwento tungkol sa iyong laruan. At kapag dumating ang sandali na ako'y magkasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan. Pagpasensiyahan mo sana ako man ay maihi o madumi sa higaan, pagtiyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi naman ako magtatagal. Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan. At huwag kang mag-alala kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana . . .dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama at ina.
Mag-ingat ka lagi at huwag pababayaan ang iyong sarili. Mahal ka namin anak.
Lubos na Nagmamahal,
Ang iyong Ama at Ina
From: Anonymous
----------------------------------------